Si Efren, dalawang taong nagtrabaho sa Saudi Arabia at sa tuwing umaga bago pumasok, di nakakalimutan na tumawag sa asawa upang sabihin ang mga katagang "I miss you honey, and I miss our children". Ngaun nasa Pilipinas na sya at nagbabakasyon, nagrereklamo ang kanyang pamilya, dahil sa araw at gabi mga kainumang barkada ang laging kasama, pag nasa Saudi ang "miss" ay pamilya pag nasa Pilipnas ang "miss" ay barkada, videoke at serbesa.
Panay ang simba ni Rolly sa Doha at ang laging dalangin sana ay dumating na ang araw ng kanyang bakasyon para makasama ang pamilya. Sumapit na ang araw ng bakasyon ni Rolly, at tuwing araw ng Linggo hindi sya makasama ng pamilya sa pagsisimba, dahil kapag Linggo ay ibang Kristo ang kaulayaw nya, sa sabungan mo sya makikita pumupusta sa meron at wala.
Truck driver si Domeng sa Kuwait, sa loob ng pitong taon na pagta-trabaho isang beses pa lang syang umuwi ng Pilipinas, kuntento na sya sa pagpapadala ng pera sa pamilya, yung vacation leave pay at ticket na pinagkakaloob ng kumpanya ay kino-convert na lang nya na cash upang maipadala sa pamilya. Katwiran nya "magastos ang pagbabakasyon, kaya mas mabuti pang ipadala na lang pera na dapat sana ay gagamitin sa pagbabakasyon sa pamilya. Kaya nga daw nagtatrabaho sa ibang bansa para kumita.
Si Gemma, dalaga at IT sa Singapore, kumakayod para mapag-aral ang mga kapatid. Subalit sa bawa't bukas ng kanyang bibig sa mga magulang at kapatid pera ang laging sentro ng usapan at ang tanging kinakamusta ay ang iniwang negosyo, ang kanyang paupahan bahay at naipundar na tindahan. Di nga nagpapabaya sa pagpapadala ng pera't balikbayan box subalit di naman naaalala kamustahin ang kalagayan ng ama't ina. Kaya't ang mga magulang nya'y minabuting huwag magsabi ng kanilang karamdaman, dahil pilit nilang inuunawa ang anak na masyadong pinahalagahan ang pera, dahil mas kilala nla ang kanilang anak, pero ang anak, di na kilala ang kanyang ama't inang tumatanda na.
Kung pamilya ang laging una puso nating mga OFW, bigyan natin sila ng tunay kahalagahan, sa maikling panahon ng ating pagbabakasyon, igugol natin ang ating oras sa isang makabuluhang pakikipagrelasyon sa ating pamilya - sa asawa, anak, magulang at kapatid.
Ang pagiging tunay na bayani ay nagsisimula sa pamilya, maging tutuo tayo sa ating pabigkas ng I LOVE YOU at I MISS YOU... say what you mean and mean what you say.
Huwag nating ipagkait ang ating sarili sa ating pamilya. Mahalaga ang pera pero mas mahalaga ka sa iyong pamilya at alam kong mahalaga rin ang pamilya sa iyo kesa sa perang iyong pinadadala.
Si Efren, Rolly, Domeng, at Gemma, ilan lang sila sa mga kababayan kong dayuhan sa ibang bayan, hanggang kailan sila mananatiling dayuhan sa kanilang sariling tahanan.
Paunawa:
Hindi po ako kasali at hindi rin po ito poste bilang enty sa PEBA 2010. Ito'y isang paanyaya sa mga makakabasa sa makabuluhang tema ng kasalukuyang patimpalak ng PEBA - "Pagtibayin ang Pamilyang OFW: Mas Matibay na Tahanan Para sa Mas Matibay na Bayan"
Huwag maging dayuhan sa usaping pamilya. Makibasa, makibahagi at sumali bilang nominado sa adbokasiya ng PEBA tungo sa maayos na Pamilyang Pilipino.